Pass Muna sa Hiking, Go sa Helping
Ang probinsya ng Zambales ay
hitik sa magagandang lugar, kabundukan at mga baybayin. Ngunit noong taong
2012, sinadya ng isa sa mga miyembro ng BHM na si Red at kanyang mga kaibigan
ang Nagsasa Cove upang masaksihan ang totoong kagandahang ipinamamalas nito. At
totoo nga, kakaibang halina at ganda ang kanilang nasaksihan sa pagbisita sa
lugar na ito. Ang mabeberdeng kapaligiran, ang preskong hangin, ang magagandang
tanawin ay sadyang hindi madaling kalimutan. Photo on the right, by Red
Subalit, habang ninanam-nam nila
ang kagandahan ng kalikasan; isang
masamang balita ang kanilang nabalitaan, isang bagyo ang parating at ang lugar na kanilang kinaroroonan ang
dadaanan nito. At dahil sa lakas ng alon, hindi na nila nagawa pang lisanin ang
lugar na kanilang kinaroroonan. Sa kasamaang palad, ang grupo nila ay na trap
sa isang lugar, lugar na walang signal ng cellphone, walang pag-kain at walang kahit anung bagay na pwedeng magamit upang mahanap ang tamang daan. Ginawa nila ang lahat, sinubukan nilang tuntunin ang daan sa kagubatan,
subalit naligaw sila dahil sa mga punong natumbahan at ang tubig ng mga ilog ay
nag-ngangalit, wari’y naghuhumiyaw at handang kumuha ng buhay. Naghanap sila ng
mas matataas na lugar na pwedeng daanan; at sa paghahanap na iyon, nakasalubong
nila ang ilan sa mga miyembro ng tribong aeta na nakatira sa isang bahagi ng kabundukang
iyon.
Pagod, gutom, puyat at halos
mawalan na sila ng pag-asa, ngunit nang matanaw nila ang mga kapatid nating aeta,
nagmistulan silang mga taong may dalang sulo at nagbibigay liwanag sa tamang
daan. Napalitan ang mga negatibong katangiang iyon ng ligaya at pag-asang makakabalik pa
sila sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa pamumuno ng mga kapatid nating
aeta, binaybay nila ang masukal na daan na tanging ang mga miyembro ng tribo
ang nakakaalam. Inakyat nila ang mga sanga ng mga punong kahoy, makatawid
lamang sa kabilang bahagi ng mga nag-ngangalit na ilog (top most photo.) Sa
pagdating nila sa kabayanan, hindi mapantayan ang kanilang ligaya at pasasalamat
sa mga taong naging gabay nila sa tamang daan. Mga taong hindi nila ka anu-ano at ni hindi nila kilala; hindi nila alam kung dapat ba nilang pagkatiwalaan, subalit ang mga taong iyon ang nagligtas sa kanila sa bingit ng sakuna. Nagmistulan silang mga basang
sisiw na handang sumungab ng kahit anung klaseng pag-kain dahil sa gutom at
pagod.
(Photo Above, Red kasama ang mga batang aeta) At sa aming ika-Apat na Anibersaryo
ng Batang Hamog Mountaineers, bilang ganti sa kabutihang ipinamalas ng ating
mga kaibigang aeta, isang programa ang aming idinaos sa Sitio San Martin, Cawag
Resettlement, Subic, Zambales. Ang programang ito ay pagbabahagi ng mga kagamitan
sa pag-aaral, tsinelas at panangga sa ulan. Ang mga kagamitang ito ay nag-mula
pa sa aming mga kaibigan, katrabaho at iba pang mga taong walang ibang hinihiling kundi ang patas na pag-unlad ng mga Pilipino. Hindi man namin mahanap ang eksaktong lugar ng tribong tumulong sa ating kaibigan, masaya kaming makapag-bahagi ng ligaya at saya sa mga batang aeta na kasama rin sa pag-asa ng ating bayan. Kung gusto ninyong tumulong sa iba pa naming mga programa, email lang po kayo dito: dharzie@travellingcup.info.
Read the entire event here: BHM on Four and side trip to: Magalawa Island