Pag-suko ng Aking Bataan

White Corals
Noong bata pa ako, sabi sa akin ng aking Nanay: “Anak wag mo agad isusuko ang iyong Bataan huh.” Sabi ko naman: “Opo Inay!” Kung alam nyo ang ibig kong sabihin, sobrang mahirap yan lalong lalo na sa isang katulad kong ganda lang ang puhunan. 26 Years old na ako, pero hindi ko parin isinusuko ang aking Bataan, pero naisuko ko na ang aking Romblon, Cavite, Batangas at marami pang iba – pero hindi ang aking Bataan. Hello, meron kayang 7,107 na isla ang Pilipinas. Dyan nanggaling ang aking titulo sa post na ito. Ang aming destinasyon ngayon ay ang bayan ng Morong sa probinsya ng Bataan – apat hanggang limang oras na byahe mula Kamaynilaan.


beach resorts bataan
Wala kaming pina-reserve na tutuluyan dahil halos lahat ng mga resorts na aming nakita sa internet ay fully booked na. Dala-dala ang pag-asang makakahanap pa kami ng mas murang matutuluyan, tinunton namin ang mahaba at liko-likong kalsada ng Norte gamit GPS App. sa phone. Ika apat ng hapon, narating namin ang Phi-Phi resort sa Bayan ng Morong, pero fully booked narin sila, kaya dumeretso kami sa isa pang resort sa di kalayuan – ang White Corals. Halos fully booked narin sila, pero iba talaga pag sinuswerte, may nag-backout na kostumer, kaya may nakuha kami. Ayun yung room namin, yung sa 2nd floor, pinaka-dulo.

Sun Set Bataan
Pag-katapos asikasuhin ang registration, inilipat na namin ang aming mga bagahe mula sasakyan hanggang kwarto. Kunting preparasyon ng mga outfit at pagkain, tapos deretso na kami dalampasigan para makita ang sun set. Ang hangin ay may kalamigan at alam kong malinis dahil napakapresko nito sa balat. Ang tubig sa dagat ay mala-kristal na kumikinang na mala-dyamante. Habang naka-upo sa isang mono-block, nakita ko ang mga taong masayang nag-tatampisaw sa dagat, habang bumababa at nag-tatago sa kabundukan ang haring araw. Kasabay nito ang pag-palit ng kulay ng kalangitan mula asul hanggang sa mala dalandan.

Anawangin
Pagkatapos ng sun set, hapunan naman ang aming pinag-kaabalahan. Dahil medyo inaantok na ako, wala akong ganang kumain, tapos andami pang mga nakahain sa harap ko. Pagkatapos kumain ng isang tasang kanin, ulam at kung anu-ano pa, wala akong nagawa kundi ang titigan nalang ang mga iyon at i-take-out para sa kinabukasan. Pag-katapos ng hapunan, dala-dala ang sobrang mga pagkain, tumungo kami sa aming kuwarto para sa socials namin. Dahil busog, pag-higa ko sa higaan, napapikit ako at nakatulog ng ilang minuto, pero pinilit nila akong ginising. Pumuwesto kami sa may terasa sa labas ng aming kwarto, kaharap ang isang malapad na bakanteng lupa, na natatamnan ng mabeberdeng mga damo. Kanya-kanya kaming baso at bote habang nakatingin sa malayo at nag-kukuwentuhan ng mga bagay-bagay. Pag-katapos ng mahigit isang oras, nagdesisyon ang aking mga kasama na matulog na, at dahil nakatulog ako ng ilang minuto, matagal akong nakatambay sa may terasa at pilit inaantay na dalawin ako ni Antok.

Mag-isa nalang akong naiwan sa terasa kaya mas nag-karoon pa ako ng pag-kakataong mag-emote - ang larawan sa itaas ang patunay. Habang nakikinig ng awitin gamit ang speaker na gawa sa kawayan na galing pag Zambales, bigla nalang akong napaluha ng hindi inaasahan. Sobrang sakit ang aking naramdaman ng mga panahong iyon - sobrang sakit ng aking rayuma dahil sa pagod at ingrown sa aking kuko. Haays, nakakalungkot diba? Mga ala una na ng umaga na ako nakatulog.

Salt Water Pool
Kinaumagahan, pagkagising - hilamos, bihis at nag-ayos lang kami ng aming mga sarili at saka dumeretso na sa resto para sa aming free breakfast. Habang nag-hihintay ulit ng agahan, nag-libot-libot muna kami sa paligid ng resort. Litrato sa taas ay ang Salt Water Pool.

Mt. Samat
ito naman ang mukha ng beach sa umaga

Underwater creatures
Iba parin talaga ang agahan kapag nasa isang lugar ka na bukas at naaamoy mo ang mabangong samyo ng kalikasan no? Pagkatapos naming kumain ng agahan, balik kwarto ulit kami para sa pag-palit ng aming mga kasuotan at agad na tumungo sa dalampasigan. Matagal din akong naka-upo sa isang mono-block habang nakataas ang paa at nakasuot ng aking shades at nakatingin sa malayo - as in malayo - dun sa mga nakahubad na naliligo, kaya nga naka-shades ako diba? Para hindi halata. Noong medyo umiinit na ang pakiramdam ko dahil sa mga nakikita, hahaha, nag-simula na akong mag-tampisaw sa dagat. Haayy, anlamig at ang linaw ng tubig, habang ang araw ay nagtatago sa mga ulap, kaya hindi masyadong mainit. Pagkatapos, underwater keneme naman ang aking pinag-kaabalahan. Ito naman ang magagandang kuha sa ilalim ng karagatan ng Bataan. Punong puno ito ng makukulay na mga halaman, isda at kung anu-ano pa. Ilang oras din kaming nakababad sa tubig alat at tabang.

Ang isa sa pinaka-mahirap na parte kapag nasa magandang lugar ka ay ang iwan ito, dahil kailangan mong bumalik sa lugar na kung saan ka nanggaling. Ang hirap gumalaw kapag nag-liligpit ka na nang gamit pabalik sa sasakyan.

Morong Church
Bago kami umuwi, dumaan muna kami sa isang simbahang aming nakita. Mukha itong napakaluma dahil sa mala-kalawang nitong kulay, kaya bigla kami naging iteresante. Ito ang  Morong church (litrato sa itaas) na ipinagkatiwala pa sa mga pari noong 1607. Ito rin ang naging saksi sa rebolusyon ng mga Morong Katipunero noong ikalawang digmaang pandaigdig.

San Guillermo Parish Church Bacolor Pampanga
Ilang beses din a kong nakatulog sa byahe habang tinutunton namin ang daan pabalik ng Kamaynilaan. Pero isang simbahan muna ang aming dinalaw sa isa sa mga pinakamatandang municipalidad sa Pilipinas -  ang Bacolor, Pampanga. Ito ang simbahan ng San Guillermo Parish na itinayo noong 1576. Kung mapapansin ninyo ang larawan ng simbahan sa itaas ay mababa at halos mangalahati, dahil yan sa lahar na ibinuga ng Pinatubo noong June 15, 1991.

The Beanery Bataan
Ito kami, habang nasa The Beanery sa Orani, Bataan at lumalafang ng tanghalian. Medyo busog kami sa panahong yan, kaya may mga natira pa. Naging masaya ang aming lamyerdang ito, kaya maraming salamat sa mga sponsors!

Popular Posts