Mt. Apo | Ang Tuktok ng Pilipinas | Day 3

Our Day 2 diary - click here: Mt. Apo Part 2 - (photo above - Summit Camptsite) Ilang patong na shirts, jackets, pants at medyas ang suot ko nung gabi, pero ramdam ko parin talaga ang lamig. Ilang beses din akong nagising dahil sa lakas ng hangin. Tanging umaga lang din ang inaantay namin, pero sadyang matagal ang pagsikat ng haring araw. Kanya-kanyang ikot, upo, higa, upo ulit, yan ang mga posisyon ko dahil sa lamig. Ilang beses din akong nagbukas ng vestibule ng tent upang mabanaag ang ganda ng mga bituin sa kalangitan.

Alas singko na ng umaga ng kami ay mag-handa ng mainit na kape. Inantay namin ang pagliwanag ng kalangitan bago sana umalis, pero negative sa clearing. Kaya naghanda na kaming umakyat pa summit, kahit pa nag hindi ganun kaganda ang sitwasyon ng kapaligiran. Wala ng ambon, subalit makapal parin ang fog at may kalamigan parin ang temperature, kaya medyo challenging parin.

Tinunton namin ang trail para maabot ang Seven Peaks ng Mt. Apo. Papicture kada peak. Buti nalang medyo sumilip ang haring araw nung nasa main summit na kami, kaya keri lang. Matapos maabot ang lahat, bumaba na kami pa camp site at nag-simulang mag-prepare ng breakfast. Ngayong araw, kaldereta ang main course namin at iyun narin ang naging packed lunch. 

(photo above: Lake Venado) Matapos kumain ng agahan, habang maganda pa ang panahon, nag-break camp na agad kami at 9:34 ng umaga nilisan na namin ang campsite. Ang trail sa parteng ito ay gradual pero may mga assault na pababa kaya parang nakaramdam ako ng kirot sa kanang tuhod. Napansin kong trail ay healthy at mas mayayabong ang bawal dahon ng mga halaman. Mas matataba ang mga mosses at ang mga lichens ay magaganda ang hugis.


Sunod na parte ay ang pababa na halos 90 degrees. Ngunit ang trail ay napaliligiran ng mabeberdeng cogon grass at pine trees. Inabot na kami ng tanghali sa daan at 11: 52 ng umaga nasa Lake Venado na kami. Sobra akong na-amaze sa mga nakita ko, anlinaw ng tubig sa lawa na napaliligiran ng mga mayayabong na mga puno. Ang ground naman ay covered ng mga clover at mga halamang namumulaklak, kaya malaparaiso ang lugar na iyon. Nag-stay kami sa lugar na ito at nag-lunch habang bumabasak ang ulan.

Mas nahirapan ako sa pababa dahil maraming parte na kailangan kong humakbang sa mga ugat at nakatumbang puno dahil medyo sablay na ang knee cap ko. Isa sa pabebeng pasikat na ginawa ko ay ang pagtawid sa sapa nang nakaapak lang sa nakapahalang na maliliit na puno (photo above). Lahat sila paupong tumawid, dahil madulas ang mga kahoy at umiikot pa pag-inaapakan, pero ako nagawa ko nang maayos.

Narating namin ang Century tree bandang 2:25 PM at dito kami nag-regroup. Ilang minuto din kaming nag-stay doon at nag-usap-usap habang inaantay ang iba pa naming kasama. Hindi nagtagal at bumuhos na ang ulan, kaya kanya-kanya kaming kuha at suot ng aming mga panangga sa ulan.

Dahil sa pag-buhos ng ulan, mas lalong naging mahirap ang trail. Naging madulas at maputik ang daanan namin. Sobrang pababa na nga ang trail, sobrang dulas at kumakapit pa sa sole ng sapatos ang putik. Ang pinaka-mahirap na parte ay ang huling dalawang oras bago namin marating ang kabayanan, dahil ang trail ay literal na kabaliktaran nang assault.  

Hindi ko na pinilit ang sarili ko na-mag-avoid na maputikan ang aking pwet, kaya nag-paslide na ako pababa. Halos hindi ko na ma-fold ang aking right knee nung mga panahong yun, dahil sa kirot na aking naramdaman, pero i-ninspire ko nalang ang sarili ko sa mga tunog ng motor na aking narinig, ibig sabihin lang nun, malapit na kami sa totoong kabayanan. Pero hindi pa doon natatapos ang challenge, kasi nasa isang oras pa ang gugugulin namin para marating ang Dam na jumpoff. Walking dead na ang pakiramdam ko, dahil sa pagod, madilim, malamig, masakit ang tuhod, mabigat ang bag at sa sobrang gutom. Ilang tindahan ang dinaanan namin ngunit walang nagtitinda dahil nandun daw sa kasal. Kasal sa gabi?? Bonga diba? Grabe talaga yung pakiramdam ko noon, masakit na batok ko, feeling ko na high blood na ako at gusto kong mang-away nalang ng mga katabi ko. Syempre mabait ako.

At sa wakas narating namin ang plantation bandang 5:28 PM. Masaya kami dahil nalagpasan na namin ang mahirap na part ng may liwanag pa. Kitang-kitang namin ang paglubog ng araw at pilit naming nag-magrelax dahil may ilang minuto pa kaming lalakarin patungong jump off.  

Narating namin ang Dam bandang 7:45 PM at nandoon narin ang mga drivers na sundo namin. Sa wakas, nakahinga na kami ng matiwasay, ligtas ang lahat at nakibagay ang mga tuhod namin. Una naming ginawa matapos ibaba sa ground ang mga bags namin, dumeretso kami sa ilog at naglinis ng mga sapatos. Kinapalan na namin ang mukha namin, nanghingi na kami ng kahit chichiria sa mga taong nandoon maibsan lang ang aming gutom.  

Hindi pa pala tapos ang challenges namin, sasakay parin pala kami ng motor, at dadaan ulit kami sa sobrang lubak-lubak na kalsada, at pa-assault din. Wala kaming ginawa kundi ang yumakap at kumapit sa matitigas na mga bisig ng aming driver. Hahaha. Pero parehas naman kaming lalaki, kaya bale wala samin yung magyakapan. Yung pagkakataong iyun ang tinatawag na makapigil hiningang byahe.
 
Pagdating namin sa Kapatagan, Digos City, pahinga nalang at kanya-kanyang order ng mga makakain. Kanya-kanyang hubad din ng kung anu-anong mga basa sa aming katawan. Binalak pa sana namin na sumadya sa isang restaurant para sa aming dinner, pero hindi na iyon natuloy dahil anniversary pala nung may-ari ng tindahan na tinuluyan namin, kaya nakalibre kami ng sumptuous dinner.

After ng dinner, nagpahinga lang kami at nag-paalam na kami sa may-ari ng bahay. Isinakay namin ang naglalakihan naming mga gamit sa van at tuluyang nilisan ang lugar na iyon. Mahigit isang oras din ang byahe namin patungong Davao City. Balak sana naming mamalengke lang at dumeretso sa pyer para sumakay ng ferry patungong Samal Island or Talicud Island. Pero dahil limitado lang ang oras ng byahe ng mga ferries, napagdesisyunan namin na tumuloy muna sa isang transient house para makapagpahinga.

Gusto pa sana naming mag-inom ngunit mahigpit ang Davao City, kaya meron silang liquor ban at yosi sa labas. Kaya ang ginawa namin, umorder nalang kami at sa loob na kami ng kwarto nag-socials at natulog habang nakakalat ang aming mga gamit at pinapatuyo.

Kinaumagahan, nagbihis lang kami at tumuloy sa palengke, para mag-breakfast at mamili ng mga sea food at iba pang kakailanganin namin sa Talicud Island. Matapos mamili, bumalik na kami sa transient house at nag out kami alas-dose ng tanghali. Nag-taxi nalang kami patungong Sta. Anna Warf at sumakay ng ferry. Read our Talicud Island Itinerary here: Buhay ni Meym

Popular Posts