Puerto Galera | At ang Kailaliman

Ang Puerto Galera ay nasa probinsya ng Oriental Mindoro, dalawang oras na byahe mula sa Batangas Port. Kapag usapang beach, ang Galera ay isa sa mga lugar sa Pilipinas na unang papasok sa isip ng karamihan, dahil sa natatago nitong ganda. Ang dalampasigan ay mayroong mapipinong puting buhangin, malamig at mala-kristal ang katubigan, presko ang hangin, at maraming activities na pwedeng gawin. Ito ang aming isturya. Our itinerary in English, click here: Buhay ni Meym

Matapos ang aming shifts sa opisina, dumeretso na kaming ilalim ng Ortigas flyover para sumakay ng bus patungong Batangas Port, ang byahe ay nasa dalawang oras. Noong nasa EDSA pa ang bus, tsikahan muna, pero nung mejo mabilis na ang takbo ng bus, napasarap na sila sa pag-upo at natulog. Nagising nalang  ulit sila sa Tambo Exit at doon ulit nagsimula ang ingay sa loob ng bus.

Bago dumating pyer, may isang lalaking umakyat ng bus at nag-tanong kung sa Puerto Galera ang tungo namin. Sagot din naman kami ng “Oo” kaya nag-offer sya ng ferry patungong Galera with discount. Pagdating namin ng pyer mas naguluhan kami dahil mas lalong dumami ang mga lalaking nag-ooffer para sa bangka, at nagbigay ng kung anu-anong discounts.
 
Halos mag-away-away na yung mga ahente ng ferry at pilit nag-aagawan na makuha kami. 14 kaming lahat kaya medyo malaki rin ang kanilang kikitain. Huling discount na binigay samin ay libre ang 2 heads. Since kaparehas din yun sa offer nung lalaki sa bus, dun na kami sa kanya. Akala namin okay na, pero hindi pa pala. Dinibdiban ng dalawang beses nung malaking lalaki yung lalaking nag-offer samin sa bus. Eh anliit kaya nung lalaking yun. Biglang uminit ang batok ko at na hyper sa pangyayaring yun na parang ipagtanggol ko si kuya. Pero ganun talaga ang kompetisyon sa mundong to - minsan masakit.

Matapos makabili ng ferry ticket for 500 pesos (balikan) at ng terminal ticket (30 pesos) dumeretso na kami sa loob ng terminal. Since wala pa kaming hotel na tutuluyan, naglibot-libot muna kami sa loob ng terminal at nakita namin ang pwesto nung mga babae na nag-ooffer naman ng hotel and activities sa Galera.  Buti nalang magaling tumawad si Mary at nakuha namin dalawang kuwarto sa halagang 4000 pesos. May dalawang king size beds each na kasya kaming 14, in different sizes pa kami nyan huh.

So, okay na lahat, kaya dumeretso at sumakay na kami sa ferry na nag-aantay sa labas ng pyer. Ang init ng sinag ng araw nung mga panahong iyon kaya nagmamadali kaming sumakay sa bangka. As usual, unang oras puro ingay at energy, pero sunod na oras puro tulog at pahinga. Kaya habang sila’y natutulog, kinukunan ko sila ng mga stolen shots, pan-dag-dag sa  collection ko. Nagising nalang sila noong mga panahong malakas na ang mga alon. Panu kasi halos lumipad na ang bangka sa lakas ng alon at nababasa pa kami sa loob.
 
Alas tres ng hapon nakarating kami ng Puerto Galera. Sobrang init parin kaya nagmamadali parin kaming tumungo sa malilim. Nagbayad kami ng 50 pesos na environmental. Naglakad kami ng nasa 100 metro patungong transient house namin. Pero ang daan ay nasa gilid ng mga shops at restaurants kaya naramdaman ko ang gutom. Pagkarating namin sa transient, lapag ng gamit at pili ng pwesto at kaunting pahinga bago pumunta sa palengke para mamili.

Matapos mamalengke, habang nag-papahinga ang iba, sinimulan na namin ang pag-luluto ng aming pang-dinner. May liempo, adobo, kamatis na may salted egg at marami pang iba. Tahimik lahat habang enjoy na enjoy sa pag-kain na aming pinaghirapan. Matapos ang mapawis na dinner, nagpahinga lang kami ng ilang minuto nag-tungo sa dalampasigan para mag-relax at mag-enjoy.
 

Ilang metro lang ang layo namin sa mga shops at restaurants, kaya madali lang magpabalik-balik. Akala namin buhay na ang Galera sa umaga, pero mas nabuhay pa ito noong gabi na. Bawat restaurant ay may kani-kanilang pakulo. May mga sumayaw, kumanta, lip sing at kung anu-ano pa. Pero mas naging maliwanag ang gabi dahil sa mga nag-fire dance. At isa sa mga hindi ko makakalimutan ay yung baklang nag talent portion nanang mala-karnibal. Yung isang bakla nakahiga sa tatlong monoblock chairs tapos yung isa naman unti-unting tinanggal yung isa sa gitna at tumungtong yung isa sa abdomen nung nakahiga. Dun ko narealize na pwede pala s’yang substitute sa masisirang tulay kapag may bagyo.

Noong makaramdaman na kami ng antok bumalik na ang ilan samin sa transient. Bumalik sila ulit pero nagpaiwan na ako at natulog. Doon natapos ang kwento ko sa araw na iyon.

Pagkagising, agad kaming nag-handa ng breafast, habang nag-kakape at habang malalim pa ang tulog nung iba naming pabebeng friends. Medyo marami rin kaming niluto kasi isinabay na namin yung pang lunch na babaunin namin sa island hopping. Nagsimula narin kaming magligpit ng iba naming mga kagamitan para ready na pagbalik.


Mula sa transient house, sumakay kaming tricycle patungong pyer ng puerto galera para sa island hopping. Nasa 15-20 minutes ang byahe. Hindi ito ang port na daungan ng mga public ferries, ang port na ito’y para lang sa mga bangka at yacht na for private use.

Pagkababa ng tricycle, nagprocess lang kami ng terminal fee at nagpalista at nagsimula sa photo shoot sa bawat kanto, kahit medyo mainit ang panahon. Pagkarating nung dalawang bangka, agad kaming sumakay. Nahati kami sa dalawang grupo pero hindi parin kami mapipigilan para maging maligaya.

Ilang minuto din kaming nakasakay sa bangka patungo sa isang spot na kung saan magsisimula ang aming adventure. Nung marating na namin ang lugar na iyun, lumipat kami sa mga maliliit na banka na de motor, mga tigdadalawang tao kada bangka. At nagbyahe ulit kami sa unang destinasyon - ang kuweba. Sa lugar na yun kumain kami ng hilaw na edible sea urchin at naglibot-libot sa maliit na kweba.

Sumunod naman ay ang snorkeling. Dinala kami nung bangkero sa iba’t ibang lugar na may napakagandang marine sanctuary. Iba’t-ibang spot ang aming napuntahan, iba’t-ibang temperature ng tubig ang aking naramdaman habang lumalangoy ng naka-hubad. Akala ko okay na ako sa underwater, subalit hindi parin pala. Natatakot parin akong pumunta sa malalim na parte ng tubig dahil feeling ko may monster na tutuklaw sakin habang nasa ilalim, kaya wala akong ginawa kundi kumuha ng mga underwater shoots gamit ang aking Olympus Tough Digital Camera, tapos angat ulit sa surface ng tubig. Maraming pag-kakataon din na nasa katig ako ng bangka nakasabit at nagfefeeling sirena habang umaandar ang bangka.

Nakakagutom din pala ang paglalangoy kaya dinala na kami ng aming bangkero sa isang spot na may white sand beach at doon kami nag-kita-kita para sa aming lunch. Since hindi lahat sumama sa snorkeling, sila na ang nag-prepare ng aming lunch at pagdating namin, ready na lahat. Naparami ang kain namin nung mga panahong iyon, buti nalang maraming kanin at ulam. Pagkatapos ng lunch, dinala ulit kami sa isa pang spot na may white sand beach (photo above). Ilang oras lang kaming nag-stay sa lugar na iyon at nilisan din namin ito.

Makarating sa hotel, iniwan lang namin ang mga gamit namin at dumeretso sa shops sa malapit para bumili ng mga souvenirs. Tapos balik agad, banlaw at handa pabalik ng Maynila. Muntikan pa kaming maiwanan ng ferry dahil kaunti nalang at late na kami sa departure time namin. Buti nalang napuno na yung ferry na dapat sasakyan namin, kaya inilipat nalang kami sa iba ferry na hindi masyadong siksikan - mas napangada pa ang buhay namin. Dalawang oras na byahe patungong Batangas Port at sumakay ng bus pabalik ng Maynia.

Expenses | We’re 14 people | Ferry: 500 pesos per head (back and forth) | Accommodation and Island hopping: 4000 pesos (two rooms with 2 king size beds each, good for 14 pax) | Environmental Fee: 50 Peos | Foods and supplies | Snorkeling (300 pesos per head).

Popular Posts