Apo Whang Od | The Legendary Living Treasure
October 29, 2014 – habang nag-lilibot sa Philippine National Museum, isang parte ng exhibit ang tumatak sa isipan ko. Litrato ni Whang Od, locals pronounced it as Fang Od (right) ang nasa exhibit ang aking nakita na hindi ko basta-bastang nakalimutan. Napanood ko na ang buhay niya sa isang dokumentaryo sa tv, pero ilang minuto parin akong nag-stay sa harapan ng larawang iyan at nag-basa-basa ng mga nakasulat. Matapos iyon, ilang beses ko rin siyang napanaginipan. Sabi ko sa sarili ko: “Magtatagpo din kaming dalawa!” At ito na ang araw na iyon.
Alas nuwebe ng gabi, nakipag-kita ako sa isang grupong tutulak pa Buscalan, Kalinga. Ang grupong ito nahahati sa iba’t-ibang grupo na iisa lang ang hangarin – ang makita at matatakan ng isang 98 years old, Legendary Living Treasure na si Apo Whang Od.
10:15 PM, nilisan namin ang Trinoma Mall, sa Quezon City at tumulak pa Norte. Kaunting kwentuhan sa mga bagong kasamang sa sasakyan, kaunti lang talaga, kasi naniniwala akong kapag may dumarating sa mga buhay natin, may na-mama-alam din, kaya mahiyain lang ang peg ko sa mga panahong iyon. Dahil alas tres ng umaga akong nagising sa araw na iyon, para sa trabaho, nakakatulog ako ng paunti-unti habang nasa byahe.
1:50 AM, nagising nalang ako sa stop over ng Cordon, Isabela. Ilang minutong lakad-lakad para maayos ang blood circulation sa katawan ko dahil sa matagal na nakaupo. Cool ang ambiance sa Cordon, na medyo humid ang temperature ng mga panahong iyon. Available din ang banyo sa lugar na ito. Matapos ang break, mahabang byahe ulit ang aming tinahak.
6:30 AM, narating na namin ang Welcome to Banaue, patunay na papasok na kami sa magandang lugar ng Banaue, isa sa mga lugar na matagal ko nang pinag-papantasyahan. Ilang minuto din kaming nag-stay sa lugar na ito at kumuha ng mga larawan. Sa pag-kakataong ito, nagsisimula nang sumikat ang araw. Bago pang dumami ang mga torista, napag-pasyahan na naming dumeretso sa Banaue Rice Terraces.
7:21 AM, narating na namin ang sikat at pride ng Pilipinas, ang Banaue Rice Terraces. Sa isang restaurant sa lugar na ito kami nag-breakfast. Medyo ginto lang talaga ang presyo ng mga pagkain. Sa halagang 135 pesos, nakapag-order ako ng hot-si-log. Parang medyo mataas diba? Kaya kapag may balak kayo pumunta sa lugar na ito, kailangan ninyong paghandaan ng very light. Pero sa labas ng restaurant, makikita ninyo ang napakagandang lugar (photo above). Matapos kumain at kumuha ng maraming litrato, dumeretso na kami patungo sa destinasyon.
8:16 AM, narating namin ang Bontoc, Moutain Province. Ito ang unang pagkakataong narating ko ang lugar na ito; matapos mapanood ang dokumentaryong “Walang Rape sa Bontoc” naging interesado na ako sa lugar na ito. Ang lugar ay napakaganda, presko ang hangin, at napaliligiran ng mga palayan. Matapos mamili ng mga kakailanganin, nagpatuloy na kami sa aming mahabang byahe sa kalsadang bumabaybay sa kabundukan ng Mt. Province. Malinis at kongkreto ang mga kalsada, subalit liko-liko ito at may malalim na bangin sa gilid.
11:27 AM na namin narating ang Brgy. Bugnay. Dahil kasalukuyang sinesemento ang kahabaan ng kalsada at isang tulay, hanggang sa jump off (zip line area). Dito na maiiwan ang aming sasakyan at magsisimula ang aming pag-lalakad hanggang sa Buscalan, ang village ni Apo Whang Od. Sa pag-kakataong ito, may option parin kaming mag-lakad or sumakay ng motor, syempre lakad ang pinili ko, sayang ang 50 pesos na pamasahe eh. Tulo pawis din ito.
12:14 PM, narating ko ang Buscalan zip line area. Ito na ang totoong simula ng trekking. Bali napag-kwentuhan namin ni Kuya Freddie (ang aming poging guide) na ang zipline na ito ay ginamit upang mas mapabilis ang pag-transport hindi ng mga tao, for security purposes, kundi ng mga pag-kain at iba pang pangangailangan ng mga residente sa kabilang ibayo.
Ang sunod na parte ay ang pinakamahirap. Mula sa may zip line, nag-lalakad kami sa terrain na nasa gilid ng kabundukan at bangin, pero ang trail ay sementado at malinis. Ang buong lugar ay napaka-presko at nakaka-relax sa paningin. Kahit mainit at tirik na tirik ang araw, may kalamigan parin ang hangin habang paakyat ng village. Ang litrato ay ang malayuang kuha sa Butbut tribe village.
Ang pathway ay hanggang malapit sa water falls natatabunan ng mga mayayabong na mga halaman, kaya hindi ko masyadong naramdaman ang init. Subalit, matapos ang water falls, isang mainit at assault na pathway ang aming tinahak. Siguro, dahil palagi akong nasa kabundukan, inisip kong: “simple lang ito, kayang kaya, but I was wrong, nahirapan ako, as in mahirap.” At masakit sa binti, dahil sa ilang steps na stairs. Dahil green ang nakikita ko sa paligid, na-inspire ako at isa lang ang ibig sabihin nito, Green is for Go!!! Oh diba, nai-connect ko? Parang MMDA lang.
1:30 PM, narating na namin ang bahay na aming tutuluyan, ang bahay ni Kuya Freddie (photo above). Ang bahay ng pamilya ni Kuya Freddie ay nakatirik sa gilid ng mga palayan na mala Banaue Rice terraces din. Pagkarating namin, agad nag-handa agad ang asawa ni Kuya Freddie ng isang mainit na kapeng barako, simbolo ng mainit nilang pag-tanggap sa amin sa kanilang sambahayan.
3:00 PM, dumalaw muna kami kay Apo Whang Od habang siya ay nag-tattatoo sa isang bisita, na nasa ikalawang araw nang nasa tattoo session. Sa iisang lugar, naroon din si Grace at nag-tattatoo din, kahit na medyo masama ang pakiramdam. Si Elyang naman, kasalukuyang nasa paaralan sa ibaba.
Dahil marami pang detalye na itatattoo si Whang Od at hindi na kakayanin ang grupo namin dahil mag-gagabi na, bumalik nalang kami sa bahay ni Kuya Freddie at naglibot-libot sa palayan. Habang kinakain ng dilim ang liwanag sa paligid, nag-sisimula narin ang pag-ihip ng malamig na hangin.
4:46 AM, ako ay nagising dahil sa tawag ng kalikasan. Pag-bukas ko ng pintuan, na nakaharap sa palayan, ramdam ko agad ang malakas at malamig na hangin, habang maliwanag buwan. Hindi ako agad bumalik sa higaan, naupo muna ako sa isang putol na puno ng kahoy, na ginawang upuan sa gilid ng pintuan. Ilang minuto din akong nag-emote, habang nakabantay sa gilid ko ang mabait na aso, bago bumalik sa higaan.
Nang magliwanag na at nagising na ang iba, tuluyan narin akong bumangon at nagtungo sa palayan, para masasihan ang bukang liwayway. Amoy na amoy ko ang malinis at preskong hangin sa paligid. Naghanda rin ang asawa ni Kuya Freddie ng isang mainit na kapeng barako, perfecto para sa malamig na umaga.
Habang nag-kakape, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang mga lokal tungkol sa mga bagay-bagay sa kanilang tribu. Pati love-life ni kuya Freddie, nausisa ko narin. Na-kwentu nya nga sakin, na ang bahay nila ay nasa sampung taon palang, pero ang kahoy na ding-ding ng bahay nila ay dati pang ding-ding sa lumang bahay ng pamilya ng kanyang asawa. Si Kuya Freddie ay nag-mula sa tribu ng Dananao, habang ang kanyang asawa naman ay mula sa tribu ng Butbut. Habang nag-kukwentuhan, napansin ko ang dahong nginunguya ng karamihan sa kalalakihan, na parang nga-nga. Ito ay tinatawag nilang dahon ng Gawid.
Habang nag-hahanda ng aming agahan, naglibot-libot muna kami sa village upang mas-makilala pa ang mga magigiliw na residente sa village. Tapos, dumeretso na kami at nag-hintay kay Apo Whang Od, malapit sa paaralan. At dumating na nga ang tamang panahon - ang matattoo-an ang aming grupo. Hindi ako ang nauna, kaya medyo may kaba akong naramdaman sa panahon iyon. Subalit mas namutawi ang excitement. At syempre ang aking pag-kakataon, photos below:
Si Apo Whang Od habang iginuguhit ang disenyo sa aking balat |
Whang Od at ang kanyang unang 'hampas' |
Ang unang hampas ni Whang Od sa stick na ginagamit nya sa 'pambabatok' ay masakit, mas masakit pa nga raw ito sa pag-tattoo gamit ang machines. Hindi ko makalimutan yung eksenang nagtanong ako ng: "madugo ba ako?" Sabi ni Dom: "sakto lang, hindi naman masyado." Biglang hampas ni Apo sa stick, at ibang sakit ang naramdaman ko. Tapos, sabi ni Dom: "Ayan tumulo na ang dugo." Natawa lang ako, sabi ko: "actually ramdam kong tutulo ang dugo dahil sa lakas nang pag-pitik nya sa stick." Hampas na parang pitik (parang needle ng makinang panahi) ang gamit ni Apo para maibaon ang kulay sa balat ng tatatuan. Ang kulay na ito ay mula sa powdered charcoal at tubig.
Mas masakit pa ang iwanan ka ng taong mahal mo - hugot
Selfie muna kay Apo, kunwari walang nararamdaman |
Malapit nang matapos ang mga detalye, tulo dugo parin |
Habang nagpapa-tattoo, marami rin kaming naka-usap na iba’t-ibang taong gusto ring ma-tattoo-an. Katulad nalang ng dalawang banyaga na nag-mula sa Canada. Wala sa itinerary nila ang bumisita kay Apo, subalit na enganyo sila ng dalawang Maltese na kanilang nakilala sa Banaue. Nag-kagulo kami bigla dahil ang isa sa kanila ay nanginig. Napag-alaman namin na may fear of heights pala sya. Matapos matattoo-an lahat, bumalik na kami sa bahay, kumain ng agahan at naghanda na pababa.
1 PM, napagdesisyunan na namin ang pag-baba. Pero bago pa naming tuluyang lisanin ang magandang lugar ng Buscalan, as a courtesy, ipinamigay na namin ang mga posporo para sa mga matatanda at candies naman sa mga bata. Agad kong napansin ang mga hindi mapantayang mga ngiti ng mga residente.
Ang pababa ay hindi na kasing hirap nang pababa, kaya mas-nag-enjoy kami sa magandang kapaligiran. Marami rin kaming mga nakasalubong na mga turista na pa-akyat palang. Kaya hindi ko sigurado kung matatattoo-an sila sa loob ng dalawang araw. Habang pababa, nabanggit din ng isa naming guide na maganda daw ang gising ni Apo sa araw na iyon, kaya pala parang iba ang aura nya sa araw na iyon kesa noong una ko syang nakita.
3:00 PM, narating ko ang lugar na kung saan naka-park ang aming van. Ilang minuto kaming nag-pahinga sa loob ng sasakyan habang nag-hihintay ng ibang participants. Kanya-kanya kaming palit ng aming pinag-pawisang mga damit. Kahit papaano, mas madali nalang ang pababang parte, kesa mainit na pa-angat.
4:11 PM, nakarating kami sa Bontoc. Kumain muna kami ng medyo late, pero masarap na tanghalian, sa halagang 120 pesos. Sa meal nayan, mayroon ng brown rice, side dish, pork chop at breaded chicken.
5:20 PM, nilisan namin ang Bontoc at 8:20 PM, narating namin ang Highest Point. Naka-usap ko an gaming driver sa lugar na iyon, sabi nya ito daw ang parteng makikita ang Mt. Pulag sa background, kaso ginabi na kami, kaya wala kaming naabutan, kundi malamig na simoy ng hangin.
10 PM, nasa Baguio City na kami at nag-painit ng tiyan sa Good Taste. Mga isang oras din kaming nakapag-pahinga sa kainang iyon, bago tumulak pababang Maynila. 2:30 AM, sa wakas, narating na namin ang Kamaynilaan. 3:50 AM, nakarating na ako ng bahay at natulog dahil sa sobrang pagod.
Isang successful ang aming Kalinga Adventure. Masaya akong may panibagong mga taong nakilala at nakasama. Nag-papasalamat ako sa GalaPh at sa aming dalawang guide, na sinigurado ang aming kaligtasan, paakyat at pababa ng village.